| Ipagtanggol ang Dignidad Tutulan ang patuloy na Militarismo |
| Wednesday, 10 February 2010 00:00 |
|
Tahasang kinokondena ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at mga kasaping organisasyon nito ang Iligal na pag-aresto sa 43 Health Workers sa bayan ng Morong, lalawigan ng Rizal. Iligal at wala sa hustong proseso
Ang ginawang raid ng military at pulisya ay iligal at wala sa hustong proseso. Ang naturang “search warrant ay hindi naman naka-tuon sa lugar na pinagdausan ng seminar (rest house ni Dr. Velmonte), bagkus ito ay nakatuon sa bahay ng isang nagngangalang Mario Condes sa Bgy. Maybangcal, Morong Rizal. Bukod dito, ang mga inaresto ay patuloy na pinagkaitan ng karapatan sa abogado. Pati ang mga kagawad ng Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) ay pinagkaitan ng karapatang bisitahin (visitorial powers) sa detensyon ang mga inaresto. Hindi katanggap-tanggap ang depensa ni Lt. Celeste Frank Sayson, Chief of Public Affairs ng Philippine Army 2nd Infantry Division. Aniya, maaring mahambalang ang isinasagawang imbestigasyon sa mga akusado kung papayagan agad nilang ibukas ang pintuan ng mga detenido sa publiko. Sino siya para magbawi ng mga batayang karapatan ng tao sa ngalan ng tinatawag nilang imbestigasyon? Isa pa, bakit nyo na sila hinuli kung nasa kalagitnaan pa pala kayo ng imbestigasyon? Dinadakip natin ang isang akusado kung may sapat nang ebidensya laban dito, dinadakip sila upang iberipika ang mga ebidensya at katauhan ng mga ito. Kung gayon, walang dahilan para sila ay itago at pagkaitan ng karapatang makausap at mabigyan ng serbisyo ng abugado. Tutulan ang Militarismo
Buti pa ang mga Ampatuan, bagamat sing linaw ng sikat ng araw ang mga ebidensya ay ispesyal ang trato at maingat sa pagkaka-aresto, samantalang sa mga ordinaryong akusado partikular ang mga 43 health workers na ito, hindi pa man sila napapatunayang may sala ay mas siga pa ang militar sa mga warlords kung tratuhin ang mga akusado at labagin ang kanilang mga karapatan. Ito ang manipestasyon ng patuloy na pag-iral ng militarismo sa hanay ng ating sandatahang lakas. Ang ganitong paglabag ay hindi lang minsan nangyari, kamakailan lamang ay lumutang ang apat na katutubong dumagat na dinakip at biktima ng toryur ng military sa lalawigan ng Aurora. Pinagkamalan silang mga kasapi ng NPA samantalang ang totoo ay naghahanap lamang sila ng pugad ng layang-layang na kanilang pinagkakakitaan kaya sila nagagagawi sa kabundukan.
Militar at Pulisya, hindi lang Makabayan. Makatao din dapat.
Kung masidhi ang pagmammahal ng sandatahang lakas at pulisya sa bayan at layon nito na protektahan ang interes ng sambayanan, nararapat na ito ay may paggalang sa karapatan ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran. Hindi sya dapat gumamit ng sobra-sobrang pandarahas at sumunod sa tamang proseso ng batas. Walang puwang sa ating lipunan ang karahasan at pagyurak sa karapatan ng bawat isa. Kailangan linisin ng sandatahang lakas at pulisya ang kanyang hanay. Papanagutin at tanggalin sa tungkulin ang mga marahas at lumalabag sa karapatan ng mamamayan. Sa ganitong pamamaraan lamang natin masisisguro na ang militar at pulisya ay hindi lang makabayan kundi makatao din. Sa kagyat ay dapat palayain ang mga inarestong 43 health workers at ipalasap sa kanila ang nararapat na karapatan ng isang akusado may kakayanang ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa bintang sa kanila. |